Nahagip sa dashcam video ang ginawang pambabato ng isang babae na pumagitna pa sa kalsada sa Osmeña Boulevard sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang dashcam footage ang isang babae na tila sasalubungin ang sasakyan.

Ilang saglit lang, may ibinato na ang babae na dahilan para mabasag ang windshield ng sasakyan.

Sinabi ng uploader na si Wiley Yray na asawa niya noon ang nagmamaneho ng sasakyan, at papasok sana sa trabaho.

HIndi naman nasaktan sa insidente ang driver.

Naipa-blotter na rin ng mag-asawa sa police station ang insidente.

Base sa inisyal na imbestigasyon, marami na umanong nabiktima ang babae, na ilang beses na ring naipa-blotter.

Ngunit dahil sa kawalan ng pormal na reklamo, bumabalik lamang sa kalsada ang babae at inuulit ang kaniyang pambabato.

Natunton kalaunan ang babae at dinampot ng Barangay Public Safety Office.

Ayon sa mga awtoridad, wala sa tamang pag-iisip ang babae.

Nakikiusap naman ang mga taga-barangay sa sinumang nakakakilala sa babae na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

“Humihingi po tayo ng tulong sa mga nakakakilala sa babaeng ito dahil panganib na po siya sa ating komunidad. Banta na po siya sa mga dumadaan sa ating mga kalsada at maging sa mga establisimyento dito sa ating lungsod,” sabi ni Capt. Kelly Quijada, Capitol Site Emergency Response Team. – Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News