Patay ang isang 38-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng salarin na nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Lower Salbo, sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na sakay din ng hiwalay na motorsiklo ang biktima at patungo sa Datu Unsay nang sundan siya ng salarin na nakasakay sa isang motorsiklo na walang plaka.Nang nakarating ang biktima sa lugar na pinangyarihan ng krimen, binaril na siya ng salarin, at mabilis ding umalis.Hindi na umabot nang buhay ang biktima sa ospital na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.Ayon sa awtoridad, 11 basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen, at pagkakakilanlan ng salarin.—FRJ, GMA Integrated News