Nasawi ang 21-anyos na driver ng isang kotse nang makabanggaan niya ang isang modernized public utility jeepney (PUJ) ng may sakay na mga pasahero sa Oton, Iloilo.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay San Antonio, nitong Linggo ng umaga.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galling umano sa Iloilo City ang kotse at papunta sa bayan ng Tigbauan.
Sinasabing napunta sa linya ng daan ng modernized PUJ at kotse kaya nangyari ang banggaan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Abner Jordan, hepe ng Oton Municipal Police Station, mabilis umano ang takbo ng kotse. Mula sa driver seat, sa backseat na nakuha ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa ospital.
Sugatan din sa insidente ang 40-anyos na driver ng PUJ, at 13 pasahero nito na nagtamo ng minor injuries.
Sinabi umano ng driver ng PUJ sa operations manager ng kanilang transport cooperative na si Jean Carlos Semic , na napansin na raw nito na pa-zigzag ang takbo ng kotse bago nangyari ang banggaan.
Ayon kay Semic, umuulan nang mangyari ang insidente at bumangga ang kotse sa gilid ng PUJ. Nagdesisyon naman ang kanilang driver na ibangga sa poste ang PUJ para tumigil.
Susuriin pa umano nila ang kuha sa dashboard camera ng PUJ.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng PUJ, habang hinihintay ang desisyon ng pamilya ng nasawi kung magsasampa ng reklamo.
Sinubukan naman ng GMA Regional TV One Western Visayas na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawi pero walang nagbigay umano ng pahayag.—FRJ, GMA Integrated News
