Nasawi ang 28-anyos na truck driver nang mawalan ng preno ang minamaneho niyang sasakyan at matanggal ang tractor head nito at mahulog sa bangin sa Bangui, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, napag-alaman na may kargang mga semento ang truck at nawalan ng preno habang bumibiyahe sa Barangay Baruyem.

Ayon sa mga awtoridad, bumangga ang truck sa mga puno hanggang sa matanggal ang tractor head nito na kinalalagyan ng biktima, at nahulog sa bangin.

Naging pahirapan ang pagkuha sa katawan ng biktima matapos maipit sa loob ng tractor head.

Tumagilid naman sa kalsada ang trailer ng truck at kumalat ang mga karga nitong semento.

Nakaligtas naman at nagtamo lang ng minor injuries ang 19-anyos na pahinante ng truck.—FRJ, GMA Integrated News