Natagpuan ang bangkay ng isang babae sa septic tank ng isang ginagawang bahay sa Santa Maria, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, sinabing nakita sa Barangay Tinaan ang bangkay ng biktima na isang first year college student.
Batay sa mga awtoridad, natagpuan ang bangkay ng babae ng isang lalaki na maglilinis sana sa lugar.
Bago nito, nakipag-inuman umano ang biktima sa kaniyang mga kaibigan Linggo ng gabi. Ngunit kinaumagahan na nang makita ang babae na nasa loob ng septic tank.
Base sa preliminary findings ng pulisya, posibleng aksidenteng nahulog ang babae.
Gayunman, hinihintay pa ang resulta ng autopsy upang malaman ang eksakto niyang ikinamatay.
Una nang ipinatawag ang mga kainuman ng biktima ngunit pinauwi rin sila ng mga awtoridad.
Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
