Natagpuan ang bangkay ng isang 17-anyos na babae malapit sa dike sa Barangay Cardona, Gerona, Tarlac nitong umaga ng Lunes, July 7, 2025.
Sa ulat ng GMA Regional TV News sa GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nakita ng mga nagjo-jogging sa lugar ang bangkay na kanilang itinawag sa mga awtoridad.
Natukoy kinalaunan ang pagkakakilanlan ng dalagita na residente ng Barangay Villa Paz.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng dalagita, na nakasuot ng short at t-shirt nang makita ang kaniyang bangkay.
Nagpaalala naman sa publiko si Gerona DRRM Office Operation Chief Lino Diamsay II, ang panganib sa gabi lalo na kung masama ang lagay ng panahon.
“’Yung below 18 years old, huwag na silang lumalabas sa gabi, lalo na po kapag umuulan, para makaiwas tayo sa anumang kapahamakan o anumang sakuna na maaaring mangyari sa kanila sa gabi,” ani Diamsay. -- FRJ, GMA Integrated News
