Nasawi ang isang 80-anyos na ginang matapos umanong saksakin ng sariling anak na sinamahan niya sa bahay matapos na mapansin na nagkakaroon ito ng problema sa pag-iiisip sa Malasiqui, Pangasinan.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Gomez, kung saan nakatira ang 39-anyos na suspek .

Residente ng Barangay Alacan ang ginang, pero dalawang linggo na siyang naninirahan sa bahay ng kaniyang anak para samahan ito.

Ayon sa awtoridad, may palatandaan umano ng mental health problem ang suspek.

“Few weeks ago, napapansin na po ‘yung suspek na nasisiraan na ng bait. Actually, mag-isa lang po niya sa bahay (suspek) pero sinasamahan na siya ng kaniyang nanay,” ayon kay Police Captain Jeremias Ramos Jr., Intel and Investigation Officer, Malasiqui Police Station.

Bago nangyari ang krimen, bumisita pa sa bahay ng suspek ang isang kapatid pero hindi siya pinapasok. Nang bumalik ito kasama ang iba pang kamag-anak, nangyari na ang krimen.

Ayon kay Ramos, tumakbo palabas ng bahay ang suspek matapos na saksakin ang kaniyang ina.

Kinalaunan, nakita ang suspek na patay na at may sugat sa leeg habang hawak pa ang patalim na pinaniniwalaang ginamit niya sa pagpatay sa kaniyang ina. – FRJ, GMA Integrated News