Patay na at tadtad ng saksak nang matagpuan sa kanilang bahay ang isang 19-anyos na babae sa Tagum City, Davao de Norte. Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip ang dalawa sa apat na suspek na mga menor de edad.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang ama ng biktima ang nakadiskubre sa duguang bangkay ng biktima sa kuwarto nito sa kanilang bahay sa Barangay La Filipina nitong umaga ng Miyerkules.

Ayon sa pulisya, lumabas sa pagsusuri na nagtamo ng 38 saksak ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan, maging sa leeg.

Pagnanakaw ang nakikitang motibo sa krimen dahil nawawala ang pera at mga gamit ng biktima gaya ng laptop, mga gadget at relo.

Hinihinalang nakapasok sa bahay ang mga suspek sa pamamagitan ng pagtanggal sa sliding glass na bintana sa likod ng bahay.

Sa isinagawang operasyon ng pulisya, naaresto nitong Miyerkules ng gabi ang dalawa sa apat na suspek na edad 17 at 14, na mga taga-Davao de Oro. Nakuha sa kanila ang ilan sa mga gamit ng biktima.

Ayon kay Tagum City Police Station Chief, Police Lieutenant Colonel Frederick Deles, sinabi umano ng mga suspek na pinatay nila ang biktima dahil nakita nito ang mukha nila.

Nakilala ang mga suspek sa tulong ng CCTV camera ng kapitbahay na nakitang ilang beses silang dumaan sa labas ng bahay, isang araw bago nangyari ang krimen.

Sasampahan ng kasong robbery with homicide ang mga suspek.

“Itong 17-years-old puwede nang masampahan ng kaso. Kukuha lang tayo ng discernment mula sa CSWDO [City Social Welfare and Development Office], ayon kay Deles.

Habang ipapaubaya naman sa CSWDO ang 14-anyos na suspek na hindi pa puwedeng sampahan ng kaso alinsunod sa batas.

Patuloy namang hinahanap ang dalawa pang suspek. – FRJ, GMA Integrated News