Arestado ang isang lalaki matapos niyang looban ang isang convenience store at tangayin ang mga panindang sigarilyo at tsokolate na mahigit P5,000 ang halaga sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV ng lalaki na tila namimili lang sa unang tingin sa convenience store.

Maya-maya pa, ninanakawan na pala ng suspek ang tindahan na sarado na noong mga sandaling iyon.

“Lumusot ito sa kisame ng madaling araw. 'Yung empleyado ng isang convenience store, noong pumasok daw sila roon sa kanilang convenience store, ay nakita nila na lang na kalat-kalat 'yung mga paninda nila,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.

Matapos nito, ibinenta rin ng suspek ang mga tinangay na tsokolate at sigarilyo sa ibang tindahan malapit sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng backtracking ng kapulisan at tulong ng isang saksi, nadakip sa follow-up operation ang 21-anyos na suspek malapit sa kaniyang bahay sa Barangay San Isidro.

Nabawi rin ang mga tinangay na gamit ng lalaki pero kulang-kulang na ang mga ito.

Dati na ring nareklamo sa barangay ang suspek dahil din sa pagnanakaw, batay sa pulisya.

Itinanggi ng lalaki ang pagnanakaw.

“Wala po, hindi po totoo ‘yan. Sa korte na lang po ako magsasalita. Wala pong nakuha sa akin,” sabi ng suspek.

Isinampa ang reklamong robbery laban sa suspek na nakabilanggo na sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News