Patay na nang makita ang 10 alagang aso na hinihinalang nilason sa Ormoc City, Leyte. Ang itinuturong salarin, isang magsasaka.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, isinalaysay ng mga may-ari ng mga aso na nakita nilang nangisay pa ang kanilang mga alaga bago pumanaw.

Pagkasuri sa kinaing isda at kanin ng mga aso, natuklasang hinaluan ito ng lason.

Pinagbibintangan ang isang magsasaka sa panlalason, matapos sirain umano ng mga aso ang kaniyang tanim na mais.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, habang desidido ang mga may-ari ng mga aso na magsampa ng reklamo.

Kinondena naman ng isang animal rights advocate ang pangyayari.

Patuloy ang GMA Regional TV sa pagkuha ng pahayag ng akusadong magsasaka.—Jamil Santos, FRJ, GMA Integrated News