Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos nilang nakawin ang baril ng isang security guard ng gadgets store sa Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang CCTV ng paglalakad ng dalawang lalaki pauwi sa may Barangay Balite.
Dala-dala na pala nila ang tinangay umano nilang baril ng 52-anyos na security guard.
“Ang nagiging ugali ng isang guard na ito ay pagka madaling araw, nagsi-CR siya at umuuwi muna siya roon sa kaniyang bahay. At 'yung kaniyang baril ay ayon sa kaniya ay iniiwan niya roon sa kaniyang puwesto dahil wala nga siyang permit to carry,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Rodriguez Police.
Nasalisihan umano ng dalawang lalaki ang security guard nitong Linggo ng madaling araw.
Nagsumbong ang security guard sa pulisya nang malaman niya na wala na ang kaniyang baril sa kaniyang pagbalik.
Batay sa backtracking ng CCTV, nakita ng pulisya ang mga suspek na kumuha sa baril.
“Merong isang kagawad na nakakilala sa mga suspek dahil nakikita nga nila na nandoon sa kanilang barangay. Ayon nga doon sa barangay kaya nakilala nga nila dahil marami nang complaint itong dalawang ito sa mga pagnanakaw,” sabi ni Sabulao.
Nadakip ang dalawang suspek na magkaibigan, at narekober sa kanila ang ninakaw na baril.
Sinabi ng mga suspek na pinag-interesan lang nila ang baril na balik nilang ibenta.
“Nakita po namin ‘yun nakalapag po sa may hagdanan, Ibebenta po namin sana ‘yun. Kulang din po sa pera po, sa budget po,” sabi ng isa sa mga suspek.
Nahaharap sa reklamong robbery ang mga suspek, na nakakulong na sa Rodriguez Municipal Police Station.
Sinabi ng pulisya na desisyon na ng employer kung paparusahan din ang security guard dahil sa pag-iwan niya sa kaniyang baril at puwesto.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
