Nahulicam ang isang bus driver na naglalaro sa cellphone habang nagmamaneho.

Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend, ang video ay kinunan ng pasahero sa bus na biyaheng Cavite. Ayon sa uploader, nakaupo siya sa harap ng bus nang mapansing ginagamit ng driver ang kanyang cellphone.

Noong una, hindi raw niya tiyak kung ano ang ginagawa ng driver, pero kalaunan nakita niyang may nilalaro ito sa cellphone na mukha raw online gambling. 

Natakot daw ang pasahero, lalo't ilang beses daw nawala sa linya ang bus, at hindi agad nakapagpreno ang driver kapag may sasakyan sa harap.

Sinita ng pasahero ang bus driver kaya tumigil din ito sa pagse-cellphone. Nakarating na raw sa LTFRB ang video. — BM, GMA Integrated News