Tatlo ang patay matapos salpukin ng SUV ang isang bahay sa Castilla, Sorsogon.
Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend, pahirapan ang pagkuha ng mga rescuers sa mag-asawang pumailalim sa SUV na sumalpok sa kanilang tahanan. Ayon sa MDRRMO Castilla, hindi nakaligtas ang dalawa, pero nasagip ang naulila nilang anak, na dalawang taong gulang lamang. Sugatan ang bata.
Natutulog ang pamilya nang dumeretso ang SUV sa kanilang bahay. Batay sa imbestigasyon, galing Maynila ang SUV na patungong South Cotabato, nang mawalan umano ng kontrol. Naunang inararo ng SUV ang isang lalaking nakatayo sa labas ng bahay; nasawi rin ito.
Tatlo ang sakay ng SUV, at hawak na ng pulisya ang driver. Hindi muna nagbigay ng pahayag ang kaanag ng mga biktima. — BM, GMA Integrated News
