Nadiskubre na nakabaon sa lupa sa isang construction site sa General Mariano Alvarez, Cavite, ang katawan ng isang 31-anyos na motorcycle taxi rider na ilang linggo nang nawawala.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa isang construction site sa Barangay San Gabriel noong Huwebes, matapos siyang huling makitang buhay noong umaga ng June 24.

Natunton umano ang bangkay sa tulong GPS sa motorsiklo ng biktima. Gayunman, hindi na nakita sa lugar ang kaniyang sasakyan.

Naghinala umano ang mga awtoridad nang magtakbuhan ang inabutan nilang trabahador sa lugar kung saan mayroon ginagamit na backhoe.

Matapos magbigay ng permiso ang may-ari ng construction company, naghukay sa lugar ang mga awtoridad ang nakita ang bangkay ng biktima.

Sa pagsusuri, nagtamo ng mga saksak ang biktima. Selos ang tinitingnang motibo sa krimen.

Ayon sa pulisya, mahigit dalawa ang kanilang person of interest sa kaso, kabilang ang nakitang angkas ng biktima na nahuli-cam sa CCTV camera sa Trese Martires.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang naturang angkas ay foreman ng construction site kung saan nakita ang bangkay ng biktima.

Napag-alaman din na ang naturang foreman ang dating live-in partner ng kinakasama na ngayon ng biktima.—FRJ, GMA Integrated News