Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang ika-apat at huling suspek sa brutal na pagpatay at pagnanakaw sa isang 19-anyos na babaeng estuydante sa Tagum City, Davao del Norte.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing 19-anyos ang naarestong suspek. Pawang menor de edad ang naunang tatlong naarestong suspek na edad 14, 15, at 17.

Ang apat ang naging suspek sa pagpasok sa bahay ng biktimang si Sophia Marie Coquilla, na nagtamo ng 38 saksak sa katawan at leeg noong July 9, 2025.

Nakuha sa dalawang suspek ang ilan sa mga gamit na tinangay nila mula sa biktima.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng apat matapos silang mahagip sa CCTV camera ng kapitbahay ng biktima na ilang beses  silang dumaan at tumingin sa bahay ng mga Coquilla bago naganap ang krimen.

Naaresto ang ika-apat na suspek sa Barangay Agdao Proper sa Davao City nitong Linggo.

Nakuha rin sa kaniya ang isang baril na kalibre .38 na may dalawang bala.

Nauna nang binasahan ng sakdal ang tatlong naarestong menor de edad sa kasong robbery with homicide.

Ayon sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), inamin ng tatlong menor de edad na batid nila ang krimen na kanilang nagawa o discernment, na kailangan sa batas upang makasuhan ang menor de edad.

Pero sa kabila ng pag-amin, hindi maaaring makasuhan ang 14-anyos na suspek sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344).

“Ang result sa ilang discernment tanan siya superior so kaning nga bataa including the 14 years old acted with discernment,” saad ni CSWDO Social Worker Officer IV, Hosna Donawal.

Isasailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga menor de edad na suspek habang hindi pa muna pormal na maisasampa laban sa kanila ang kaso hanggang sa sumapit sila sa legal na edad.

Dahil dito, may mungkahi na amyendahan ng mga mambabatas ang juvenile justice law.

“Maybe we take into consideration especially the heinous crimes like rape involving…the respondent is minor, murder, homicide and robbery tan awon nato ug i-check kung okay pa ba ang mga procedure nga i-follow,” mungkahi ni WCPD Officer, Polie Major Anjanette Tirador. – FRJ, GMA Integrated News