Bugbog ang inabot ng isang lalaking estudyante mula sa tatlong kapwa menor de edad matapos niyang aksidente umanong mahawakan ang kamay ng girlfriend ng isa sa mga gumulpi sa Zamboanga City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang nahuli-cam na insidente sa isang covered court sa Barangay Cabatangan, kung saan pinagsusuntok at pinagsisipa ng tatlo ang biktima.

Nakausap na ng mga awtoridad ang biktima, na sinabing nagsimula ang pananakit nang hindi niya sinasadyang mahawakan ang kamay ng isang babae, na girlfriend pala ng isa sa mga bumugbog sa kaniya.

Makikipag-ugnayan ang Barangay Council for the Protection of Children sa mga magulang ng tatlong nanakit, na edad 11 hanggang 14. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News