Isang babaeng buntis ang agad nirespondehan ng mga awtoridad matapos siyang abutan ng panganganak sa gitna ng Bagyong Crising sa Santa Teresita, Cagayan.
Sa ulat ni James Agustin sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing hindi nagsayang ng oras ang pulisya para respondehan ang babae sa gitna ng malakas na pag-ulan at ragasa ng tubig nitong Biyernes ng gabi.
Sakay ng kolong-kolong ang babae nang abutan ng mga awtoridad, bago inilipat sa police mobile.
“Lumusong lang 'yung sasakyan namin dahil medyo mataas ito. And then, minabuti namin na ilipat na lang sa sasakyan namin para madala po siya agad,” sabi ni Police Major Gary Macadangdang, officer-in-charge ng Santa Teresita Municipal Police Station.
Naidala nang ligtas sa Municipal Health Center ang buntis, na nanganak ng babaeng sanggol.
Nasa maayos nang kondisyon ang mag-ina.
Sa bayan ng Baggao naman, isang ataul ang isinakay sa rubber boat Sabado ng umaga mula sa Barangay Taguing upang mailibing ng mga kaanak sa Barangay Poblacion.
Hindi madaanan ang isang tulay matapos maapektuhan ng pagtaas ng tubig ng Pared River.
Hindi naman madaanan ng mga motorista ang Bagunot Bridge pasado 2 p.m. Sa kabila nito, ilang residente ang sinusuong pa rin ang malakas na agos.
Sinabi ng MDRRMO na na-isolate ang pitong barangay sa lugar hanggang umaga ng Sabado habang umabot sa 11 tulay hindi nadaanan noong Biyernes dahil sa mga umapaw na creek at ilog.
Sa Barangay Baua sa Gonzaga, emosyonal ang residenteng si Kris Kim Lariosa, matapos bubong at ilang pader na lang natira sa kanilang bahay matapos sirain ng rumaragasang ilog.
Hindi rin sila nakapagsalba ng mga gamit at nananawagan ng tulong.
“Sobra pong hirap kasi naoperahan na nga po 'yung asawa ko tapos nawalan pa po kami ng bahay. At 'yung mga gamit po ng mga anak ko po, nadamay din po roon. Wala na po silang pang-aral,” sabi ni Lariosa.
Ang residente namang Oscar Castro, bumigay ang veranda ng bahay.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na bukas ang evacuation at handa silang magbigay ng mga pangangailangan ng mga nasalanta.
Nailikas din ang mga nakatira sa tabing ilog, at may plano na sila para maisaayos ang river wall na nasira ng bagyong Ofel noong nakaraang taon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News