Binaril at napatay ang isang radio broadcaster sa Bislig, Surigao del Sur nitong Lunes.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Erwin Segovia, 63-anyos, ng Radio WOW sa Bislig.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa likod ng krimen.

Tinatalakay umano ni Segovia sa kaniyang pang-umagang programa ang "social issues, local governance, and community concerns."

Binaril siya ng salarin matapos lumabas mula sa radio station.

Ayon sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), batay sa mga saksi, dalawa ang salarin na sakay ng isang motorsiklo,

Nitong nakaraang buwan, iniulat ng PTFoMS ang pagbaril at pagpatay sa sa dating radio broadcaster na si Ali Macalintal sa General Santos City.

Nakabase sa lalawigan ang karamihan sa mga pinapaslang na mga mamamahayag sa Pilipinas.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni PTFoMS Executive Director Jose Torres na, "The safety of journalists remains a priority for the government, and justice for victims of media-related violence continues to be a national concern." — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News