Inihayag ng Davao City police na hindi totoo ang lumabas sa social media na isang 17-anyos na babae na dinukot. Ang dalagita na nagpunta pala sa bahay ng nobyo, posibleng kasuhan ng pulisya.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, nakita sa CCTV footage ang menor de edad na babae na nakasuot ng school uniform at may dalang backpack bago siya iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala matapos siyang hindi umuwi ng bahay noong nakaraang Lunes, July 14, 2025.
Ayon sa pulisya, nagpadala ng voice message ang dalagita sa kaniyang kaibigan na nagsasabing dinukot siya at kailangan niya ng tulong, at mabilis itong kumalat sa social media.
“In the succeeding days, she randomly sent messages to her family and school’s group chat for her rescue. In the evening of Wednesday, July 16, 2025, she was found along the road in Banas, in Brgy. Bato, Toril, Davao City,” ayon kay Toril Police Station Chief, Major Sheryl Bautista.
Pero sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na hindi umano magkakatugma sa mga sinasabi ng dalagita nang tanungin ng mga awtoridad.
Hanggang sa napag-alaman na namalagi lang sa bahay ng nobyo ang dalagita kung saan nakita rin ang kaniyang school uniform at backpack.
“The story was fabricated. It was also found out that she was with her boyfriend in Maa when she was believed to be missing,” ayon kay Bautista.
Kinumpirma rin ng ina ng lalaki ang nangyari at siya umano ang nagsabi sa dalagita na umuwi na nang malaman na niya ang sitwasyon.
Pero sa halip na dumiretso sa pag-uwi, nagtungo ang dalagita sa Barangay Bato at doon nagpasundo sa kaniyang mga magulang.
Makikipag-ugnayan ang pulisya sa City Social Welfare and Development Office (CSWD), para makausap ang dalagita at ang mga magulang niya.
Balak din ng pulisya na kasuhan ang dalagita dahil sa pagpapakalat ng malig impormasyon.
“We are contemplating on filing alarms and scandal in relation to RA 10175 or the Anti-cybercrime Act,” sabi ni Bautista, kasabay ng paalala sa publiko na huwag magpapakalat sa social media na hindi beripikadong impormasyon. – FRJ, GMA Integrated News
