Nasawi ang dalawang rider nang magkasalpukan ang minamaneho nilang mga motorsiklo sa national highway sa Santa, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Sabado ng gabi sa bahagi Barangay Basug.

Sa video footage, makikita na malakas ang ulan nang mangyari ang insidente.

Lumabas sa imbestigasyon ng awtoridad, napunta sa kabilang linya ng daan ang isang rider nang iwasan niya ang butas sa kalsada.

Nagkataon naman na may paparating na isa ring rider at nangyari na ang banggaan.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang dalawang rider na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.—FRJ, GMA Integrated News