Patay ang isang barangay chairman, habang sugatan ang kaniyang anak matapos silang pagbabarilin sa tapat ng kanilang bahay sa Guimba, Nueva Ecija.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen nitong Miyerkoles sa Barangay Banitan kung saan punong barangay ang biktimang si Cenon Pineda.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang mag-ama na ikinasawi ng biktima, habang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang kaniyang anak.
Nakatakas ang mga salarin na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang motibo sa krimen. – FRJ GMA Integrated News
