Nasawi ang isang 75-anyos na babae matapos na pagpapaluin ng sanga ng puno at siniliban sa Bukidnon. Ang biktima, pinagbibintangan umano ng suspek na “mambabarang,” o mangkukulam.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, ilang bahagi na lang ng sunog na katawan ng biktima ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen na naganap noong Sabado, July 26, 2025, sa Kibawe, Bukidnon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinagbibitangan ng 37-anyos na suspek na “binarang” o kinulam siya ng biktima.
Pinagpapalo umano ng suspek ng tangkay ng puno ng niyog ang biktima hanggang sa nawalan ito ng malay. Kasunod nito ay tinambakan niya ang biktima ng mga tuyong dahon at sinilaban.
“So gipalo niya sa niyog yung dry na stalk. Eventually, nawalan ng malay, tuloy-tuloy na siya gisunog niya yung tao,” ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson Police Major Jayvee Babaan.
Ayon sa pulisya, kusang sumuko ang suspek na posible umanong nakararanas ng mental health issue, at dating gumagamit ng ilegal na droga.
“Base sa information na bag-o lang siya gihiwalayan sa asawa niya, depressed ito na tao. Upon checking sa record, former surrenderee siya, drug-user siya dati,” sabi ni Babaan.—FRJ GMA Integrated News
