Patay sa pamamaril ang isang babae at ang kanyang sanggol sa San Pablo City, Laguna.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend, pinagbabaril ng di-pa kilalang salarin ang 30-anyos na babae at ang kanyang pitong-buwan na sanggol sa bahay na inuupahan ng pamilya. Pareho nasawi ang mag-ina. Sugatan naman ang 58-anyos na ina ng babae at ligtas ang kanilang kasambahay.
Ayon sa pulisya, biglang pinasok ng isang armadong lalaki ang bahay at pinaputukan ang mga biktima, na noo'y naghahapunan. Posibleng planado raw ang pagpatay dahil may mga nagpagabalik-balik na naka motorsiklo sa lugar. Natagpuan din ang ginamit na di-rehistradong motorsiklo sa katabing barangay.
Ayon sa kapatid ng biktima, wala silang alam na kaaway o personal na kaalitan ng biktima. — BM GMA Integrated News
