Nasawi ang isang 34-anyos na guro matapos siyang barilin umano ng kaniyang estudyante na Grade 11 student sa Balabagan, Lanao del Sur. Ang suspek, nagtanim umano ng galit sa biktima dahil sa binigyan siya ng bagsak na marka.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang estudyante matapos na kusang sumuko sa mga pulis.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naglalakad ang biktima papasok sa eskuwelahan noong Agosto 4 nang baril siya ng estudyante gamit ang kalibre .45 na baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa likod ng ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

“Mag e-enroll sana siya sa Grade 12 nang malaman niya na meron siyang mga bagsak sa subjects niya kaya hindi siya naka-enroll. Nagkaroon sila ng usapan… siguro hindi sila nagkaintindihan ng teacher niya yung biktima kaya inabangan siya noong papasok siya sa school,” ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Office Spokesperson, Police Major Salahuddin Basher.

Matapos gawin ang krimen, nagtungo sa mga kamag-anak sa bayan ng Marogong ang biktima para doon magtago.

Kinalaunan, sumuko sa mga awtoridad ang suspek sa tulong ng kaniyang kapatid na isang pulis.

"Nasa Balabagan MPS custodial facility while waiting for the commitment order from the court kasi na-file na yung kasong murder against the suspect,” ayon kay Basher.—FRJ GMA Integrated News