Nasawi ang isang miyembro ng LGBTQ community na may kapansanan sa pandinig matapos siyang saksakin ng 13 beses ng isang suspek na nakilala niya sa isang inuman.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Saksi,” nitong Martes, sinabing nanalong Miss Gay 2025 sa kanilang barangay sa Tanauan noong Hunyo ang 25-anyos na biktimang si Jericho Elliorate.

Pinatay sa saksak si Elliorate, nitong Sabado ng madaling araw sa Lipa, Batangas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakita sa CCTV camera ang biktima na bumaba mula sa isang tricycle, kasama ang isang lalaki kung saan doon na naganap ang krimen.

Nakita pa ang suspek na bumalik sa nakabulagta nang biktima para kunin umano ang wallet nito.

Dahil sa kuha ng CCTV, nakilala ang suspek at naaresto pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.

Ayon sa pulisya, inamin ng suspek ang krimen at sinabing nainis daw siya sa biktima dahil hinihipuan siya nito sa tricycle.

Idinagdag ng awtoridad na sinabi ng suspek na hindi sila magkakilala ng biktima pero inaaya niya ito sa barangay sa Lipa. Nangyari ang pananaksak nang umalis na ang tricycle na kanilang sinakyan.

Hinihinala naman ng pamilya ng biktima na panghoholdap talaga ang pakay ng suspek.

Napag-alaman na galing sa inuman ang biktima kasama ang iba pang may kapansanan din sa pandinig at doon nito nakilala ang suspek.

Posible umano inaya ng suspek ang biktima kaya sumama ito at sumakay sa tricycle.

"Hindi po kami naniniwala na hinipuan niya yung lalaki. Opo bakla po siya pero sensitive po siya. 'Yung lokohin nga po siya sa ibang lalaki nagagalit po siya e," ayon kapatid ng biktima.

Ang ina ng biktima, inilarawan na napakabait ng kaniyang anak. – FRJ GMA Integrated News