Nasawi ang isang lalaki matapos siyang saksakin ng kaniyang pamangkin habang natutulog sa Bacolod City. Ang suspek, pinaghihinalaan na may gusto umano ang biktima sa kaniyang live-in partner.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinagsasaksak ng suspek ang biktima habang natutulog sa kanilang bahay sa barangay Sum-ag nitong Lunes.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa dibdib at likuran. Pinaniniwalaan na intensiyon talaga ng suspek na patayin ang biktima dahil hindi siya tumigil sa pananaksak kahit inaawat na siya ng mga kaanak.
Tumakas ang suspek na agad namang nadakip ng mga awtoridad sa tulong ng ilang residente.
Itinanggi naman ng asawa ng biktima ang alegasyon ng suspek sa kaniyang mister na may gusto ito sa kinakasama ng pamangkin.
Aminado naman ang ama ng suspek na gumagamit ng ilegal na droga ang kaniyang anak.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa reklamong murder.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
