Sugatan ang isang TNVS driver matapos siyang saksakin at hampasin ng baril ng dalawang lalaking nag-book sa kaniya at nagpahatid sa Pampanga. Nakaligtas ang biktima nang ibangga niya ang sasakyan sa lugar na may mga tao.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Consuelo sa Macabebe, Pampanga noong Martes ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinundo ng 29-anyos na biktima ang mga suspek sa Taytay, Rizal matapos mag-book at nagpapahatid sa Pampanga.

Ngunit bago makarating sa Macabebe, nagpaikot-ikot umano ang sasakyan hanggang sa makarating sila sa Barangay Consuelo kung saan sinaksak na ang biktima at tinutukan at pinalo ng baril.

“Nung may nakita siyang mga tao, isinadsad niya sa may gilid kaya nakuha niya yung atensiyon [ng mga tao] at doon nagkagulo na,” ayon kay Police Major Reginal Turla, hepe ng Macabebe Police station.

Kaagad namang sumaklolo ang mga tao, kasama na ang mga tauhan ng barangay, sa unang inakala nilang aksidente.

Ayon sa barangay kagawad na si Jay Guevarra, nakita nila na may duguan sa sasakyan habang tumakas at nagtago naman sa damuhan ang dalawang suspek.

Isinugod sa ospital ang biktima, habang hinabol at nadakip ng mga residente at opisyal ng barangay ang dalawang suspek.

Nakuha sa mga suspek ang isang replika ng baril, isang granada, cellphone, at sling bag na may laman na iba’t ibang mga ID.

Nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek, na mahaharap sa kaukulang kaso.

Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang biktima.—FRJ GMA Integrated News