Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 12-anyos na babae na nasawi matapos masabugan ng hinihinalang granada na kaniyang napulot sa likod ng kanilang bahay sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabi ng pamilya at kapitbahay ng biktima na nakarinig na lang sila ng malakas na pagsabog sa likod ng bahay ng bata sa Barangay Labangal.
Nang puntahan nila ang pinagmulan ng pagsabog, nakita nila ang biktima na duyan na wala nang buhay at halos hindi na makilala sa tindi ng mga sugat na tinamo.
Ayon sa nakatatandang kapatid, may nakitang lata ang kaniyang kapatid at bitbit nito papunta sa duyan nang sumabog.
Hinihinala ng mga awtoridad na maaaring granada ang nasa lata na posibleng hindi maayos na naitapon ng kung sino man ang may-ari.
Dati umanong may land dispute o awayan sa lupa sa lugar. Noong nakaraang buwan, may natanggap din na impormasyon ang pulisya tungkol sa nakitang rifle grenade sa isa pang lugar.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang barangay, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. – FRJ GMA Integrated News
