Sa ospital ang bagsak ng isang 26-anyos na lalaki matapos siyang guyugin at saksakin umano ng anim na kabataang edad 14 hanggang 16 na nag-iinuman sa Sual, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang insidente noong Lunes, habang naliligo at nag-iinuman umano ang mga kabataan sa isang dam sa Barangay Camagsingalan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nilapitan umano ng biktima ang mga kabataang suspek at nagkaroon ng mainit na pagtatalo, na nauwi sa pambubugbog.

Nagtamo ng saksak sa ulo at likod ang biktima, maliban pa sa inabot na gulpi. Nagpapagaling na siya sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng Municipal Social Welfare and Development Office ang mga kabataang suspek. – FRJ GMA Integrated News