Nasawi ang dalawang gun-for-hire suspect matapos makaengkuwentro ang mga pulis nang hindi sila tumigil sa isang checkpoint sa Calauag, Quezon habang sakay ng isang AUV o Asian utility vehicle.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang barilan nitong Huwebes ng hapon sa Barangay Sumilang nang paputukan umano ng mga suspek ang mga pulis sa checkpoint.
Hinabol ng mga awtoridad ang mga suspek hanggang sa makorner at muling nagkaputukan.
Nang tumigil ang putukan, nakita sa loob ng sasakyan ang isang suspek, habang nasa labas naman ang isa pa na parehong patay na.
Wala namang nasaktan sa panig ng mga awtoridad.
Ayon sa Quezon Provincial Police Office, may mga kasong murder ang mga suspek na ang iba ay nabasura, at may mga complainant na umatras. --FRJ GMA Integrated News
