Isang 14-anyos na babaeng estudyante ang nasawi matapos siyang aksidenteng madikit sa live wire sa loob ng kanilang paaralan sa Samal Island, Davao del Norte. Ang kaniyang kaibigan na sinubukan siyang sagipin, sugatan nang makuryente rin.

Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, kinilala ang biktima bilang si “Jana,” estudyante ng Mambago-B National High School.

Pauwi na ang dalagita noong hapon ng Martes nang maganap ang trahediya, ayon sa pulisya.

Nangisay umano ang dalagita nang madikit sa kuryente kaya sinubukan siyang iligtas ng kaibigan, pero man ay nakuryente rin.

Nakagawa naman ng paraan ang ibang tumulong sa kanila para hindi nakuryente kaya naisugod ang dalawa sa ospital.

Sa kasawiang palad, pumanaw kalaunan si Jana, habang patuloy na nagpapagaling ang kaniyang kaibigan.

"Pagkakita ang (wire ng) kuryente nasa kamay na ni Jana parang nakapalibot, nataranta kami. Paghila namin nakadikit na 'yong wire sa katawan niya may sugat siya sa paa at paso sa kamay," sabi ni "Mimi," isa sa mga nagtangkang sumagip kay Jana.

Ayon sa isa sa mga kinausap ng GMA Regional TV, matagal na nilang ipinarating sa pamunuan ng eskuwelahan ang pangamba tungkol sa live wire.

"Matagal na 'yan diyan ipinaabot na 'yan sa meeting ng parents na 'yang live wire ay aksyunan pero wala pong aksiyon," ayon kay "Mimi."

"Matagal na raw 'yan diyan kahit ang mga estudyante ang tatanungin, ang kuya ng kaniyang kasama nakuryentihan din ang sabi bakit daw hindi pa ito nakukuha na matagal na raw 'yan diyan," sabi ni Femia, ina ni Jana.

Sinubukan ng GMA Regional TV na makuha ang panig ng pamunuan ng paaralan, pero walang humarap matapos masuspinde ang klase nitong Biyernes.

Batay sa police report, nakakonekta ang live wire sa electric post ng Northern Davao Electric Cooperative, na sinubukan ding kunan ng pahayag ng GMA Regional TV, ngunit hindi pa ito nagbibigay ng tugon.

Inilahad naman ng Department of Education - Davao Region na nagsasagawa na ito ng imbestigasyon at nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng paaralan, lokal na awtoridad, at iba pang kinauukulang ahensiya.

Nagsagawa na rin ang mga awtoridad ng mga hakbang para masuri at ang lahat ng electrical systems sa mga nasasakupang paaralan.

"Jana, mahal kita Jana iniwan mo kami, sana beh, umabsent ka na lang sana para hindi nangyari 'yun," emosyonal na sabi ni Femia, na nanawagan ng hustisya para sa anak.

"Hustisya ma'am, hustisya sa anak ko 'yan po ang pakiusap ko ma'am. Hindi po siya mamamatay kung hindi sila nagpabaya," emosyonal na sabi ng ina ng namatay na biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News