Nagsisimula nang maagnas ang bangkay nang madiskubre ang bangkay ng isang 55-anyos na ginang sa kaniyang bahay sa Misamis Occidental. Ang biktima, nasawi umano nang tumama ang ulo sa sahig matapos suntukin ng kaniyang 15-anyos na anak na lalaki.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional Tv One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nitong Miyerkules nadiskubre ng mga kapitbahay ang bangkay ng biktima dahil sa masangsang na amoy mula sa bahay nito sa Barangay Northern Poblacion sa bayan ng Plaridel.
Ayon sa pulisya, sumuko ang 15-anyos na anak ng biktima isang araw matapos madiskubre ang bangkay ng kaniyang ina na may nakatakip pa sa mukha.
Batay umano sa salaysay ng binatilyo, nagtalo sila ng kaniyang ina noong August 15 nang humingi siya ng pagkain sa kaniyang ina pero tumanggi ang ginang.
Nasuntok umano niya ang kaniyang ina at natumba kaya tumama ang ulo sa sahig.
Pero sa halip na humingi ng tulong, dinala niya ang walang malay na ina sa kuwarto, binalutan ang mukha nito, nilinis ang dugo sa sahig, at saka umalis ng bahay.
Ayon sa pulisya, sasampahan nila ng parricide case ang binatilyo pero ang korte ang magpapasya rito dahil sa menor de edad ang suspek.
“PRO-10 regrets the tragic case in Plaridel, Misamis Occidental where a 15-year-old minor killed his own mother. The child, who came from a dysfunctional family with separated parents, has surrendered and is now under the care of authorities with the MSWD,” ayon sa Police Regional Office-10.
“We assure the public that justice will be served while also stressing the importance of strong family support to prevent similar incidents,” dagdag nito. --FRJ GMA Integrated News
