Tatlong ang nasawi—kabilang ang isang guro—sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Siaton, Negros Oriental nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sakay ng kaniyang motorsiklo ang guro, habang isang 27-anyos na rider naman ang nagmamaneho sa isang motorsiklo na may angkas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa town proper ng Siaton ang guro, habang sa naturang direksyon naman galing ang 27-anyos na rider.
Habang binabagtas nila ang national highway sa bahagi ng Barangay Malabuhan, nag-overtake umano ang 27-anyos na rider sa sinusundan nitong sasakyan na dahilan para mapunta siya sa kabilang linya at nakasalpukan ang motorsiklong minamaneho ng guro.
Kapuwa umano mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo, at idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang tatlong biktima.—FRJ GMA Integrated News
