Nasawi ang isang 17-anyos na babaeng estudyante matapos mahulog ang sinasakyang tricycle sa irigasyon sa Echague, Isabela, kasama ang tatlo pang mag-aaral.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Huwebes ng hapon sa Barangay Maligaya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang estudyante rin na lalaki ang nagmamaneho sa tricycle at sakay niya ang tatlong babae na pawang estudyante rin.
Binabagtas nila ang kalsada pauwi muli sa paaralan nang mawalan umano ng kontrol sa manibela ng tricycle ang driver nito kaya nahulog sila sa irigasyon.
Nakaahon mula sa tubig ang driver at dalawa niyang sakay pero hindi nakaahon ang isa nilang kasama.
Bigong mahanap ng mga rescuer ang biktima at nakita ang kaniyang katawan kinaumagahan na.
Wala pang pahayag ang kaanak ng biktima at iba pang sangkot sa insidente, ayon sa ulat. –FRJ GMA Integrated News
