Binaril habang sakay ng motorsiklo ang isang 58-anyos na engineer at contractor sa Santa Catalina, Negros Oriental nitong Miyerkules ng umaga.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Police Lieutenant Stephen Polinar, Spokesperson ng Negros Oriental Provincial Police Office, na stable na ang kalagayan sa ospital ng biktima na tatlong beses binaril ng salarin na patuloy na hinahanap.

Ayon kay Polinar, kabilang sa tinamong sugat ng biktima ay nasa likod at tagiliran.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima at patungo sa quarry site na pinamamahalaan nito sa Barangay San Francisco, nang sundan siya ng salarin na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril na dahilan para matumba siya.

 

 

Tumakas ang salarin habang isinugod naman sa ospital ang biktima ng rumespondeng ambulansiya.

Inaalam pa ng mga awtoridad sa motibo sa pananambang sa biktima, at pagkakakilanlan sa salarin. – FRJ GMA Integrated News