Nasawi ang isang babae matapos siyang saksakin ng kaniyang asawa na pinagsisigawan niya sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nagtamo ng sugat sa leeg ang babae, batay sa imbestigasyon.
Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa Antipolo.
Ayon sa suspek, matagal na silang hiwalay ng kaniyang asawa, at may iba na umano itong kinakasama.
Nasa bahay lamang ang biktima upang bantayan ang kanilang apo nang mangyari ang insidente.
Pagkauwi ng suspek mula sa inuman, dito siya pinagsisigawan ng asawa kaya dumilim ang kaniyang paningin at nasaksak ito.
Desididong magsampa ng reklamo ang mga anak laban sa kanilang tatay. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
