Patay ang isang lalaki na nagbabalak umanong magnakaw sa storage room ng isang eskuwelahan, matapos siyang mahulog mula sa bubong sa Toledo, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing namataan ng mga guro ng DAS National High School sa Barangay DAS (Lutopan) ang bangkay ng lalaki nitong Martes.
Lumabas sa imbestigasyon na noong nasa bubong ang lalaki, aksidente siyang nahulog.
Hinihinalang may plano itong magnakaw sa storage room.
Ngunit sa lakas ng pagbagsak, posibleng tumama ang kaniyang ulo sa semento.
Walang natukoy na foul play ang mga awtoridad sa insidente.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad, at hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kaanak ng namatay na lalaki. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
