Patay ang isang 40-anyos na mangangaso matapos siyang aksidente umanong mabaril ng kaniyang kasama dahil napagkamalan daw na baboy-damo. Pero iba ang lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente noong umaga ng Lunes sa kabundukan na tri-boundary ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra.

Ayon sa pulisya ng Cabugao, Ilocos Sur, nakatanggap sila noong Lunes ng umaga ng tawag tungkol sa umano’y insidente ng pamamaril.

Nang magtungo ang pulisya sa lugar, naabutang nakahandusay ang biktima.

Ang kasama niya, sinabing aksidente niyang nabaril ang biktima matapos na mapagkamalan niyang baboy-damo habang nangangaso sila sa lugar.

Pero sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Captain Elison Pasamonte, hepe ng Badoc Police Station, lumilitaw na binaril talaga ng suspek ang biktima matapos silang magtalo sa hatian sa nahuling baboy-damo.

May testigo rin umanong magpapatunay sa tunay na nangyari sa biktima.

Hindi naman matanggap ng pamilya ang sinapit ng biktima kaya nanawagan sila ng hustisya.

Nakadagdag din sa kanilang pagdududa sa paliwanag ng suspek ang hindi nito pagsuko sa ginamit na baril.

Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek, na wala pang pahayag sa insidente. – FRJ GMA Integrated News