Nakitang nasa sako at nakabaon sa lupa ang bangkay ng isang lalaki na ilang araw nawawala sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jovanni Asir Bonghanoy, 46-anyos, residente ng Sitio Proper Sibugay, caretaker ng isang game farm, at iniulat na tatlong araw nang nawawala.

Ayon sa Malubog Police Station 12 ng Cebu City Police Office (CCPO), nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa bangkay na nahukay sa Sitio Lubres, Barangay Pung-ol Sibugay noong August 27, na nasa game farm din na kaniyang binabantayan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, apat sa limang suspek na mga nagtatrabaho rin sa farm ang naaresto.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang ikalimang suspek na itinuturong sumaksak at pumatay sa biktima dahil sa alitan umano sa trabaho.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Maria Theresa Macatangay, deputy city director for operations and spokesperson of CCPO, nagbanta umano ang suspek sa biktima na papatayin niya ito, at nangyari nga ang naturang pagbabanta.—FRJ GMA Integrated News