Nasawi ang isang 13-anyos na estudyante matapos siyang masagasaan ng isang trailer truck habang tumatawid sa kalsada sa Mandaue City, Cebu. Wala sa pedestrian lane ang biktima nang mangyari ang sakuna.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV na nakahandusay ang biktima sa kalsada matapos masagasaan ng truck.
Lumabas sa imbestigasyon na tumawid ang biktima nang sundan nito ang dalawang batang naunang tumawid sa kaniya.
Gayunman, wala sa pedestrian lane ang mga bata nang tumawid.
Huminto rin umano ang biktima nang may tiningnan sa kaniyang likuran at hindi niya napansin ang paparating na truck.
Isinugod ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Mahaharap naman sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng truck, na nasa kustodiya na ng pulisya. Hindi siya nagbigay ng pahayag, ayon sa ulat.— Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
