Patay ang 39-anyos na driver at operator ng isang transport network vehicle service (TNVS) matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang sasakyan ng riding in tandem sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Balulang nitong Huwebes ng gabi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naghatid ng pasahero ang biktima sa lugar kung saan siya pinagbabaril ng mga salarin na sakay ng motorsiklo.
Pitong tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ang tumama sa biktima.
Ayon kay Police Station 4 Commander Police Major Peter Tajor, posibleng pinagplanuhan ng mga salarin ang pagpatay sa biktima.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.
“Wala gyud ni siya gasaba kung na ba siya’y threat. Ang iyang naistorya sa iyang mga suod nga naa siya’y nauyab nga usa ka igsuon nato nga Maranao,” ayon kay Tajor.
Tatanungin din nila ang pasahero na inihatid niya sa lugar na kabababa lang nang pagbabarilin ng mga salarin ang driver.
Nakausap na umano ng mga pulis sa telepono ang naturang pasahero pero natatakot pang makipag-usap nang harapan.
“Na-contact na namo tong last (passenger) through cellphone lang pero nagdumili siya sa pagpatim-aw kay accordingly, nakulbaan daw siya, babae, so nakulbaan daw siya ato na gipasaligan, assurance, pero iya man na katungod. Padayon gihapon natong imbestigahan,” ani Tajor.
Susuriin ang mga CCTV footage sa lugar upang alamin kung may kuha na makatutulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon. – FRJ GMA Integrated News
