Patay ang isang 9-anyos na bata matapos siyang mahulog sa kanal at malunod sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naganap ang insidente noong Miyerkoles, kung saan nakunan sa CCTV ang pagkahulog ng bata sa kanal.
Naging pahirapan ang paghahanap ng awtoridad sa bata dulot ng malakas na ulan.
Kalaunan, bangkay na nang matagpuan ang bata.
Positibo siyang kinilala ng kaniyang pamilya, at makikita ang mga tinamo niyang sugat matapos mahulog.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng bata.
Nagpaalala ang mga awtoridad na iwasang lumusong sa baha kung hindi kinakailangan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
