Nasawi ang motorcycle rider at kaniyang angkas matapos silang masagi at masagasaan ng isang trailer truck sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, inihayag ng mga awtoridad na lumalabas sa imbestigasyon na lumipat ng linya ang motorsiklo na naging dahilan ng aksidente sa South Coastal road.

Nasa inner lane umano ng kalsada ang truck habang nasa middle lane naman ang motorsiklo. Pero lumipat umano ng linya ang motorsiklo para mag-overtake ngunit tumama sila sa gilid ng truck.

Tumilapon ang mga biktima at nasagasaan ng truck.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng truck na nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Sa Iloilo City naman, nasawi ang isang 72-anyos na babae matapos na magulungan ng truck sa Barangay Baldoza habang tumatawid sa kalsada.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Ayon sa isang kaanak, bibili sana ng gamot ang biktima kaya tumawid.

Sinabi naman ng driver ng truck na nasa kustodiya ng pulisya, na hindi niya napansin ang pagtawid ng biktima. – FRJ GMA Integrated News