Nasawi ang isang 65-anyos na babaeng fruit vendor matapos na masalpok ng isang truck ang kaniyang tindahan sa gilid ng daan sa Mabitac, Laguna. Ang truck, nawalan umano ng preno at nakitang tumalon palabas mula sa sasakyan ang driver nito.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa video footage ang driver na tumalon palabas mula sa umaandar na dump truck noong Biyernes ng umaga.

Nakatayo naman kaagad ang driver at paika-ikang naglakad papunta sa gilid ng highway.

Pero ang kaniyang truck na may kargang graba, nagdire-diretso at bumangga sa tindahan ng biktima, at isang bahay.

Kaagad na nasawi ang may-ari ng tindahan, habang sugatan ang kaniyang manugang at apo.

Napag-alaman na tumakas ang driver ng truck, habang nakikipag-ugnayan naman ang may-ari ng truck sa mga awtoridad. – FRJ GMA Integrated News