Binaril at napatay ng isang lalaki ang kaniyang pamangkin at kapitbahay sa Sta. Rosa, Laguna. Ang suspek, nasawi rin matapos na makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabi ng pulisya na batay sa paunang imbestigasyon, unang binaril ng 65-anyos na suspek ang kaniyang 52-anyos na pamangkin.

Sunod nitong binaril ang kaniyang kapitbahay na matagal na umano niyang may kaalitan.

Ayon sa pulisya, habang paparating pa lang sila, pinaputukan na sila ng suspek kaya gumanti sila ng putok.

Tinamaan ang suspek na dinala sa ospital, kasama ang kaniyang kapitbahay pero binawian din sila ng buhay.

Kaagad naman nasawi sa pinangyarihan ng krimen ang pamangkin ng suspek na una niyang binaril na nais lang umawat.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 na baril, na hindi batid ng kaniyang pamilya kung saan niya nakuha.

Napag-alaman din na dati nang ipinasok sa rehab ang suspek dahil sa paggamit ng ilegal na droga. Mula noon ay nagkaroon na umano ng alitan ang suspek at mga biktima.

Ayon sa anak ng suspek, nakausap niya ang ama kahapon at nagsabi na nabalitaan nito na kukunin siyang muli at dadalhin sa rehab. Maaaring ito raw ang dahilan kaya nagawa ng ama ang krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril. – FRJ GMA Integrated News