Apat ang nasawi, kabilang ang tatlong bata na naglalakad lang sa gilid ng daan, nang mahagip sila ng isang cement mixer truck na nawalan umano ng preno sa Bansalan, Davao del Sur.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa pababang bahagi ng kalsada sa Sitio Balutakay sa Barangay Managa nitong Biyernes ng hapon.

Nawalan ng kontrol sa truck ang 39-anyos na driver hanggang sa tuluyan na itong tumagilid at tinamaan ang mga nalalakad na mga bata na edad siyam, 10 at 12.

Dinala sa ospital ang driver at ang mga bata pero idineklara silang dead on arrival.

Sugatan din ang pahinante ng truck na nagsabing nagkaroon ng problema ang preno ng kanilang sasakyan.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamulya ng pamilya ng mga bata, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News