Nasawi ang isang 25-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng sumpak ng lalaki na nauna na niyang nakaaway sa Los Baños, Laguna habang bumibili ng ice cream. Nangyari ang pamamaril nang muling sumugod ang biktima na may kasamang “resbak.”

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, makikita sa nag-viral na video ang isang babae na pinipigilan ang pagsugod ng grupo ng biktima na armado ng mga patalim.

Ngunit hindi na napigilan ng babae ang grupo hanggang sa makarinig na ng putok ng baril na galing umano sa sumpak.

Isa mga sumugod ang natumba matapos na tamaan na pala ng bala. Dinala siya sa ospital pero binawian din ng buhay matapos na maoperahan.

Ayon kay Police Captain Christian Rex de Guzman, imbestigador ng Los Banos Police, nagsimula ang gulo nang magkasagutan at magkainitan ang asawa ng babae sa video at ang biktima na pareho umanong nakainom habang bumibili ng ice cream.

Nakursunadahan umano ng biktima at kasama nito ang suspek.

Matapos ang naturang kaguluhan, bumalik ang biktima na may mga kasama na armado ng mga patalim at muling naghamon, at doon na nangyari ang pamamaril.

“Itong si victim natin dumating nang lasing at parang kumbaga nakursunadahan nitong kabilang party. Si suspek natin, parang napagtulungan, nakuyog. Pagkatapos nagkaroon ng resbak," ayon kay De Guzman.

"Itong victim natin, bumalik at naghamon. Si victim sumugod, from there may narinig tayong putok, bumagsak si victim,” dagdag niya.

Hindi na nakita ng mga pulis ang ginamit na sumpak ng tumakas na suspek, na hinahanap ngayon ng mga awtoridad.

Nakumpiska naman ang ilang patalim, pati na ang isang karit.

Nananawagan ang pamilya ng biktima sa suspek na sumuko na.

Walang namang nagbigay ng pahayag mula sa pamilya ng suspek. – FRJ GMA Integrated News