Nasa kritikal na kondisyon ang isang 26-anyos na lalaki matapos siyang bigla na lamang saksakin ng isang babaeng nakiupo sa kaniyang tabi sa isang tindahan sa Barangay San Isidro, Antipolo City. Ang dinakip na suspek, itinanggi ang pananaksak.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa kuha ng CCTV na umupo ang biktima sa harap ng isang tindahan pasado tanghali noong Martes.

Ilang saglit lang, lumapit sa kaniya ang isang babaeng may dalang bag at umupo sa kaniyang tabi.

Hindi na nakunan sa CCTV, pero kumuha na pala ng kutsilyo sa kaniyang bag ang babae at biglang sinaksak ang lalaki.

Dahil dito, napatayo ang lalaki habang tumakbo naman ang babaeng nanaksak.

Nakahingi ng tulong ang biktima mula sa isang babaeng lumabas sa gate habang hinabol ng mga residente ang suspek.

“Napadayo lang siya roon, nagpaalam pa roon sa pinsan na bantay ng tindahan na makikiupo lang. ‘Yung pinsan niyang nakaupo naman doon, kakakain lang, tumambay, nagyosi. Bigla na lang pong sinaksak eh,” sabi ni Jose Sogie Mabini, tanod ng Barangay San Isidro.

“Pagdating namin doon, may hawak na kutsilyo pa 'yung babae. Doon na namin siya na-trap 'yung babae, nu’ng binitawan niya 'yung kutsilyo,” sabi ni Wilfredo Tablan, tanod ng Barangay San Isidro.

Dinakip ng mga tauhan ng Barangay San Isidro ang babae at nakuha ang ginamit niyang panaksak na aabot sa 12 pulgada ang haba.

“Ayon po roon sa pinsan ng biktima, itinakbo agad nila sa ospital kasi medyo dumudugo na at sabi niya masakit 'yung dibdib niya. Kasi ang tama niya po ay nasa kaliwang dibdib,” sabi ni Mabini.

Itinanggi naman ng 30-anyos na suspek ang pananaksak. Hindi rin umano sa kaniya ang nakumpiskang patalim.

“Hindi po totoo 'yun kasi hindi ko po alam ‘yun. Wala po akong dalang gano’ng bagay. Metal na bagay, wala po akong dalang gano’n,” sabi ng babaeng suspek.

Batay sa records ng barangay, dati nang nadawit sa ilang insidente ng pananaksak sa Antipolo City ang suspek.

“Bale nakatatlong insidenteng pananaksak na po siya, bago po itong bago. 'Yung una po is 'yung lalaki po na sinaksak niya is, nag 50-50 po ‘yun. Tapos after one week, namatay din po 'yung biktima. Tapos po 'yung pangalawa, siya rin po 'yung nananaksak po sa may Antipolo Simbahan. Tapos 'yung pangatlo po, is police station po 'yun na may sinaksak din po siyang pulis. Records din na may mental health disorder po siya,” sabi ni Kristyle Anne Cruz, tanod ng Barangay San Isidro.

Nakakulong sa custodial facility ng Antipolo Police ang suspek, na sasampahan ng reklamong frustrated homicide.  — Jamil Santos/EJ Gomez/VBL GMA Integrated News