Isang construction worker ang nasawi matapos siyang saksakin ng kaniyang kainumang katrabaho sa San Joaquin, Iloilo. Ang biktima, nagbiro na puputulin ang tali ng duyan habang nakahiga ang suspek pero bigla itong nagkatotoo kaya bumagsak ang huli.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya nag-inuman pa noon ang suspek at biktima sa kanilang barracks.

Ayon sa ilang saksi, humiga sa duyan ang suspek nang magbiro ang biktima na puputulin niya ang tali ng duyan gamit ang itak.

Pero ang biro, nagkatotoo nang biglang maputol talaga ang tali kaya bumagsak ang duyan at ang suspek.

Ikinagalit ito ng suspek at nagkasagutan sila ng biktima.

Umalis kalaunan ang biktima at uminom sa isang tindahan. Doon na siya pinuntahan ng suspek at sinaksak sa dibdib.

Tumakas ang suspek at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad. Mahaharap siya sa reklamong murder. – Jamil Santos/FRJ. GMA Integrated News