Naaresto na ng pulisya ang limang suspek sa nahuli-cam na pagbaril at pagpatay sa isang lalaki sa San Jose Del Monte, Bulacan noong nakaraang Biyernes. Ang isa pang suspek na malapitang bumaril sa biktima, hinahanap pa.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing unang naaresto ng mga pulis sa isang ospital sa Sta. Maria, Bulacan ang suspek na nasugatan din matapos mabaril din ng biktima sa Barangay Graceville.
Ang naturang sugatang suspek ang nahuli-cam na tinulungan ng dalawa niyang kasamahan na suspek na maitayo at maisakay sa motorsiklo upang tumakas matapos nilang maitumba ang biktima.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na sinusubukang tumayo sa gitna habang pinuputukan ang nakatumba ring suspek na hindi kalayuan sa kaniya.
Pero dumating ang dalawa pang suspek at pinagbabaril din ang biktima.
Ang isa sa mga suspek, makikitang malapitang binaril sa ulo ang biktima.
Matapos maaresto sa ospital ang sugatang suspek, sunod na naaresto ang dalawang kamag-anak niya na nagdala sa kaniya sa ospital. Pero itinanggi ng mga ito na sangkot sila sa patayan at iginiit na dinala lang nila sa pagamutan ang sugatang suspek dahil sa kamag-anak nila ito.
Kasunod nito, dalawang suspek pa ang naaresto at nakuhanan ng dalawang baril. Ang isa umano sa mga ito ang nagsilbing lookout, habang ang isa naman ang nagmaneho ng sasakyan ng mga suspek.
Pero ayon sa isang suspek, ipinagmaneho lang niya ang isang suspek at hindi niya alam ang mangyayaring krimen.
Ayon kay Police Corporal Ryand Paul Antimaro, investigator on case ng SJDM Police, paghihiganti ang lumalabas na motibo sa krimen dahil binaril umano noon ng biktima ang suspek na malapitang bumaril sa kaniya.
Hindi umano tinamaan ng bala noon ang suspek kaya naghiganti ito ngayon. Patuloy na tinutugis ang isa pang suspek.
Mahaharap sa kasong murder ang mga suspek, habang may dagdag na kaso kaugnay sa nakuhang dalawang baril ang dalawang suspek.—FRJ GMA Integrated News
